Sabado, Hunyo 30, 2012

Ibabaw o Ibaba, Saan ka Nabibilang?





            “Kung sinong mayaman ay lalong yumayaman, at kung sinong mahirap ay lalong naghihirap.” Isang katagang umiiral ngayon sa ating bansa, katagang hindi naman natin maikukubli dahil isa nga naman itong katotohanan na tanging tayong mga hindi nakaaangat lamang sa buhay ang nakakaintindi.

            Sa nobelang El Filibusterismo, simula pa lamang ng akda na ito, ay mapapansin na natin ang ganoong pangyayari. Ang pagkakahiwalay ng mga mayayaman na tulad nila Doña Victorina mula sa mga nahihirap na tulad nila Basilio sa pagsakay ng bapor. Mula ditto, mapapansin na natin ang pagkakaiba ng mayaman at mahirap noong panahon ni Rizal. At sa ating panahon ngayon, talamak na at kitang-kita ang pag-uuri ng mga tao sa ating bansa. Andiyan ang mayayaman, na ang tanging iniisip lamang ay ang kanilang mga sarili. Bili ditto, Bili doon. Iyan lang ang masasabi kong lagi nilang gawain sa pang araw-araw nilang pamumuhay. Hindi ba nila napapansin ang mga tao, pulubi, taong grasa, batang kalye sa paligid? Wala nga ba silang pakialam? O sadyang sila ay nagbubulagbulagan lamang?

            Ang isa pang pag-uuri sa ating lipunan, ang mga mahihirap. Ito ang mga taong masasabi nating mga walang maaayos na tahanan, magagandang damit, masasarap na pagkain. Ang mga taong nagtitiis sa isang tasang kanin at asin bilang kanilang hapunan. Ang mga taong pilit mang gustuhing mag-aral o magtrabaho, ay walang mapasukan nang dahil sa pagiging salat sa kayamanan. Ang mga taong pinagmamasdan at nilalalit pa ng mas nakatatataas sa kanila. Sila yung mga taong hindi man lang naisipang tulungan ng mga mayayaman at gobyerno. Wala ba talagang nakapapansin sa kanila? Wala man lang bang makatutulong sa kanila? Sadya ngang napakadamot ng tadhana.

            Kung ating pagmamasdan ang ating lipunan ngayon, sino nga ba ang mas dapat tulungan? Sino nga ba ang dapat paglaanan ng proyekto ng gobyerno? Kung ang lahat ng tao sana’y matututong magtulungan, mahirap man o mayaman, ay nakasisigurado tayong lahat ay makaaangat. Kung wala sanang diskriminasyon, kung ang lahat ng tao’y pantay pantay, maging ang ating bansa ay masasabi kong makaaangat. Kung ngayon palang tayo’y magtulungan na, darating ang araw sa ating bansa na wala na tayong makikitang mga pulubi sa kalsada. :) 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento